PALAWAN, Philippines — TARGET ng pamunuan ng Puerto Princesa Underground River (PPUR) na mabigyan ng pagkakataon ang lahat ng Palaweño na personal na makita ang natatanging ganda at yaman ng Underground River.
Matatandaan, mayroon inilunsad na programa ang pamunuan na tinatawag na “Alay sa Puerto” kung saan nagkakaloob ito ng libreng tour sa PPUR.
“Alam niyo yung dilemma na nandyan lang naman yan hindi naman mawawala saka na kami pupunta kaya meron pa talagang hindi nakakapunta gusto namin ma zero out yun dapat nakapunta ang mga taga parke sa PPUR,” ang tinuran ni Park Superintendent Beth Maclang sa isang press conference.
Ani Maclang, kung malaki ang kikitain ng parke ngayong taon maaaring muling maibalik ang nabanggit na programa para sa mga Palaweño.
Ang libreng tour na ito ay nangangailangan din ng pondo para sa pagbili ng fuel na gagamitin sa mga sasakyan na maghahatid sa mga Palaweño patungo sa Sitio Sabang, Barangay Cabayugan, kung saan matatagpuan ang PPUR.
“Tinitignan po natin ngayon, na-miss na po talaga natin yun (Alay sa Puerto). Ang daming nagtatanong kailan magkakaalay sa Puerto?
Ito yung every year na ginagawa prior pandemic na magkaroon tayo ng mga slots para sa free tour [sa PPUR] na mga taga-Puerto Princesans. Nagsimula lang tayo niyan sa almost 700 na tao hanggang dumating ng 1000, naging 1,700 hanggang ngayon hinahanap pa rin dahil hindi nauubos ang ating mga residente ng Puerto Princesa na hindi pa nakakapunta sa PPUR kaya tinitignan natin ngayon kung marami tayong kikitain.
Isasama po namin sa Supplemental budget yung allocation sa fuel ,van at yung bangka finufuel natin yan, free na po ang mga entrance fees at hopefully po magbalik yung Alay sa Puerto 2024,” dagdag pa ni Maclang.
Ang Alay sa Puerto ay isinasagawa tuwing buwan ng Setyembre.