Photo courtesy | Presidential Communications Office

PUERTO PRINCESA — Naisabatas na ang Ligtas Pinoy Centers Act at Student Loan Payment Moratorium During Disasters Emergencies Act matapos lagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong nakalipas na Disyembre 6.

Binibigyang-diin ng kaganapan na prayoridad ng administrasyong Marcos Jr. na isulong at suportahan ang mga pamilya’t estudyanteng apektado ng mga kalamidad sa bansa.

Inihayag ng pangulo ang kaniyang pasasalamat sa mga mambabatas na nasa likod ng dalawang bagong batas na kaniyang nilagdaan.

Aniya, ito ay patunay na prayoridad ng kaniyang administrasyon na paigtingin at isulong ang mga pangangailangan ng sambayanang Pilipino.

Sa talumpati ng pangulo, iginiit nito na ang Ligtas Pinoy Center Act ay naglalayong magtatag ng fully equipped evacuation centers sa buong bansa upang magbigay ng ligtas na pansamantalang tirahan sa mga residenteng naapektuhan ng kalamidad.

“We do not wish for the frequent usage of such facilities and can only pray that we have fewer calamities. But nonetheless, we need to ensure that the evacuation centers sufficiently respond to the needs of our people affected by calamities and other such emergencies,” ani Marcos.

“Investing in these climate-resilient facilities must be the norm; for we are not only protecting the people’s lives, but also capacitating our local government units to respond, to reduce, and to manage the risks of disasters,” dagdag ng pangulo.

Tinuran din ni Marcos na isinasama ng bagong lagdang batas ang pagiging handa at pagtugon sa kamalayan ng bansa.

“Evacuation centers like these should also be as strong as their faith and as resilient as the people’s resolve. These serve as safe havens for those who share the same struggle and find comfort amongst one another,” aniya.

“In many visits to temporary shelters, I saw the plight of evacuees and it’s a very serious matter. Adding to that, the predicament is that, traditionally, public schools are being used as by default evacuation centers, and that has been the case since we ever – since we started using evacuation centers,” pahayag ni Marcos Jr.

Kinilala rin ni Pangulong Marcos ang matagal nang isyu ng mga paaralan na ginagamit bilang mga evacuation centers na humahadlang sa pag-unlad ng edukasyon ng mga Pilipinong mag-aaral.

Tiniyak niya sa Department of Education (DepEd) na tututukan na lamang ng mga paaralan ang pagtataguyod ng kapakanan at pag-unlad ng mga mag-aaral.

Iniutos ni Pangulong Marcos sa Department of Public Works and Highways (DPWH) na tiyakin ang pagtatayo ng mga evacuation centers sa mga priority local government units (LGUs) na sumusunod sa minimum standards, National Building Code, at mga partikular na lokal na kuwalipikasyon.

Ang Student Loan Payment Moratorium During Disasters and Emergencies Act, ay nagbibigay ng pinansiyal na kaluwagan sa mga mag-aaral at kanilang mga pamilya sa panahon at pagkatapos ng mga kalamidad sa pamamagitan ng pagsususpende sa mga koleksyon ng pautang sa mag-aaral nang walang multa at interes.

Ipinag-utos din ni Marcos Jr. sa Commission on Higher Education (CHED) at sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na palawigin pa ang lahat ng uri ng tulong sa mga mag-aaral at tiyaking hindi makahahadlang sa pagtapos ng kanilang pag-aaral ang kahirapan sa pananalapi.

“The benevolence of this law allows the disaster-affected students and their families to have a breathing space as they recuperate and rebuild their lives. It is our hope that this law will help lessen the financial burden off our students’ shoulders as they continue their schooling,” ayon pa sa pangulo.