Photo courtesy | Mayor Emil Neri – Linapacan, Palawan
PUERTO PRINCESA CITY — Matapos makuha ang required average annual income na 130,000,000 milyong piso sa loob nang tatlong magkakasunod na taon, na-reclassify ang bayan ng Linapacan bilang 3rd Class Municipality ng lalawigan ng Palawan.
Ang nabanggit na bayan ay 5th Class Municipality kung saan tumaas ngayong taon ang kategorya ng Linapacan alinsunod sa probisyon ng Batas Republika Bilang 11964 o mas kilalang “An act of Institutionalizing the Automatic Income Classification of Provinces, Cities and Municipalities, and for other Purposes”.
Batay sa batas, magiging automatic ang income classification ng mga Local Government Unit (LGU) sa buong Pilipinas.
Kaugnay rito, pinirmahan ni Punong Bayan Emil T. Neri ang ipinasang resolution ng mga miyembro ng Sangguniang Bayan ng Linapacan na humihiling sa Department of Finance (DOF) na mag-isyu ng Department Order ukol dito.
Ayon pa kay Neri, inaasahang maraming benepisyo ang makukuha ng mga mamamayan ng bayan ng Linapacan na makatutulong sa mabilis na pagsasakatuparan ng mga development projects sa ilalim ng kaniyang panunungkulan.
“Isa itong senyales na tuloy-tuloy na at ‘di na mapipigilan ang pag-asenso ng Linapacan,” ani Mayor Neri.