Photo courtesy | Palawan Provincial Information Office

PALAWAN, Philippines — Humigit-kumulang dalawandaang (200) mga Palaweñong job seekers ang naghain ng kani-kanilang mga aplikasyon para sa Local and Overseas Job Fair na ginanap sa SM City Puerto Princesa nitong araw Lunes, ika-23 ng Oktubre.

Ang aktibidad ay bahagi ng pagdiriwang ng ika-31 anibersaryo ng pagkakatatag ng Palawan Provincial Public Employment Service Office (PESO) na layon ay mabigyan ng pagkakataon ang mga Palaweñong indibidwal na makapag-apply ng trabaho sa mga lehitimong ahensya at iba pa.

Naging posible ito batay na rin sa direktiba ni Palawan Governor Victorino Dennis M. Socrates sa pangunguna ni PESO OIC Orphy C. Ordinario na dinaluhan ng mga representante ng bawat ahensyang may kaugnayan dito gaya ni Ginoong Jonathan Gerodias, Senior Labor and Employment Officer/DMW Coordinator-Palawan, Department of Migrant Workers.

Naroon din si Ginang Ma. Socorro Marquez, Senior Labor Employment Officer, bilang kinatawan ni G. Carlo B. Villaflores, Head, Palawan Field Office, Department of Labor and Employment (DOLE), at ang nasabing mall.

Samantala, nasa labing pitong (17) ahensya naman ang nakiisa sa nasabing aktibidad mula sa loob at labas ng lalawigan na kinabibilangan ng agriculture, mining, BPO, transportation, insurance/finance, logistics, hospitality, cashier, retail, administrative clerk, factory, automotive, at iba pa na may humigit-kumulang 900 job vacancies, ayon sa tanggapang impormasyon ng Kapitolyo.