PHOTO | PROVINCIAL INFORMATION OFFICE

Sa darating na ika-26 hanggang ika-27 ng Setyembre, araw ng Martes at Miyerkules, nakatakdang magsagawa ang Provincial Public Employment Service Office (PESO) Palawan ng programang Local Recruitment Activity o LRA para sa mga indibidwal o grupo na naghahanap ng trabaho.

Ayon sa ulat ng Provincial Information Office, isasagawa sa Pavillion Hall sa gusaling kapitolyo ang nasabing aktibidad mula alas otso (8:00) nang umaga hanggang alas singko (5:00) nang hapon.

Isinapubliko ng ahensya na ang kumpanyang AIA Philippines ang kasalukuyang nangangalap ng mga manggagawa kung saan isandaang (100) aplikante ang tatanggapin para sa posisyong Phoenix Leaders o Agency at Unit Manager habang dalawandaang (200) indibidwal naman ang hinahanap bilang Next Gen Advisors o Financial Advisors.

Kaugnay rito, ang posisyong Phoenix Leaders ay kailangang mayroong nasa dalawang (2) taong karanasan bilang manager, may kakayanang i-manage ang kaniyang team o grupo, digital savvy, at higit sa lahat, mayroong social media presence.

Samantala, ang Next Gen Advisors ay nangangailangan nang at least 2 years sa kolehiyo, may anim na buwang karanasan sa sales, at nasa edad 45-taong gulang pababa.

Sa mga nais mag-apply, magdala lamang ng resume na may 2×2 ID picture at iba pang mga dokumento gaya ng valid identifications (IDs), Transcript of Records (TOR), at iba pang sertipiko bilang patunay.