Screen Grab | LTFRB MIMAROPA

PUERTO PRINCESA CITY — Pormal nang pinasinayaan nitong araw ng Martes, Mayo 28, ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Palawan Extension Office sa lungsod ng Puerto Princesa.

Ang pagpapasinaya ay personal na dinaluhan nina LTFRB Chairman Atty. Teofilo Guadiz III, Regional Director Atty. Paul Vincent Austria, at iba pang opisyales ng lokal na pamahalaan.

Sa panayam ng lokal na midya kay RD Austria, malaking kaginhawaan ito sa mga Palaweño dahil hindi na kailangan pang magtungo sa Calapan City para lamang makapagproseso ng kanilang prangkisa dahil inilapit na ng tanggapan ang kanilang serbisyo sa pamamagitan ng paglalagay ng extension office sa Puerto Princesa.

“Bukod sa isyu ng kolorum, isang isyu po sa Palawan ang kawalan po ng LTFRB office dito sa probinsya. Alam naman po natin ang ating office ay nasa Calapan [City], [Oriental] Mindoro at bago po makarating doon mag-eeroplano pa po papuntang Manila, pupunta ng pier, sasakay ng RORO, bago pa po makapunta ng Calapan — umuubos po ng hindi bababa sa tatlong araw ang ating mga stakeholders para lang makapagtransaksyon sa ating opisina.

So, isa po yan sa mga hiniling ng Sangguniang Panlalawigan at ng Sangguniang Panlungsod na magkaroon po ng satellite office ang LTFFB.

[At] sa tulong po ng ating LGUs at mga kaibigan po, syempre pasalamat po kay Chairman (Atty. Teofilo Guadiz lll), ito na po, magbubukas na po ang ating Palawan Satellite Office ng LTFRB,” ang pahayag ni RD Austria.

Aniya pa, ito ay magiging “fully functional”.

“Ito po ay magiging fully functional na office, ibigsabihin lahat ng application, lahat ng transaksyon tatanggapin natin at magkakaroon po tayo ng hearing para po yung mga applications na kailangan ng hearing hindi na kailangan pumunta ng Calapan,” dagdag pa nito.

Ipinangako rin ng opisyal na kanilang paluluwagin ang pagproseso ng mga karampatang dokumento na may kinalaman sa extension ng validity ng mga prangkisa.

Katunayan, base sa kanilang datos, mayroon nang 50 na public transportation ang kanilang inactivate. Paliwanag nito, ito ang mga noo’y kolorum na hindi nakapagrenew ng prangkisa at nagseserbisyo na ngayon sa lalawigan ng Palawan.

Ang LTFRB extension office ay matatagpuan sa Arka Building, Manalo Street, Barangay Maunlad, Puerto Princesa City.