PUERTO PRINCESA CITY — INANUNSYO ni Narra Mayor Gerandy Danao na magbubukas na sa buwan ng Hunyo ang sangay ng Land Transportation Office o LTO sa kanilang munisipyo.
“Gusto ko pong ipaalam sa inyo ngayong umaga na ang atin pong Land Transportation Office (LTO) ay mabubuksan na po natin by June,” ang kumpirmasyon ng Alkalde matapos ang flag raising ceremony sa kanilang municipal hall nitong araw ng Lunes, Mayo 13,2024.
Pinabulaanan naman nito ang usapin na hindi umano inaasikaso ng kanyang tanggapan ang naturang proyekto.
“Ginagawa po namin ang lahat, hindi po namin pinipigilan,” paglilinaw pa ng Alkalde.
Paliwanag pa ni Mayor Danao, suspendido pa siya nung mga panahon na nai-turnover sa munisipyo ang Memorandum of Agreement (MOA) kaugnay sa pagtatayo ng LTO sa Narra.
Sa kasalukuyan, patuloy aniyang inaasikaso ang mga dokumento na isusumite sa LTO para sa pagsasakatuparan ng nabanggit na proyekto.
Matatandaan naging matagumpay ang naging pulong kamakailan sa pagitan nina Mayor Danao, Executive Assistant/Acting Municipal Administrator Edmond B. Gastanes, at LTO Executive Director Eduardo De Guzman noong Mayo 8 sa Puerto Princesa.