Mahigit labindalawang libong mga atleta na ang nasa talaan ng City Sports Office na makikilahok sa Batang Pinoy 2024 na gaganapin sa lungsod ng Puerto Princesa sa Disyembre 15 hanggang ika-21 ng buwan.
“I-update ko lang po kayo sa mga activities natin as of the moment. Ang report po sa akin ng Philippine Sports Commission ito po with respect sa Batang Pinoy: 12,300 plus na po ang atletang pupunta [rito] sa atin this coming December,” ito ang naging anunsyo ni City Sports Director Atty. Rocky Austria matapos ang flag raising ceremony ng lokal na pamahalaan ngayong araw ng Lunes, Hulyo 22.
Ayon kay Austria, ang bilang na ito ay higit na mataas kung ikukumpara sa nakalipas na Batang Pinoy na mayroong mahigit pitong libong (7,000) atletang kalahok.
Aniya, kung ang bilang na ito ay tataas pa, malaking hamon sa lokal na pamahalaan ang suplay ng pagkain para sa mga atleta kaya naman patuloy ang mga ginagawang paghahanda ng kanilang tanggapan para matiyak na magkakaroon ng magandang karanasan ang mga atleta sa Puerto Princesa.
“Inabot na po namin ang school ng Irawan dati hanggang Sicsican lang tayo. Dati 7,000 plus lang last Batang Pinoy ngayon inabot na ng 12,000 plus kaya nga ito ay malaking challenge sa atin dahil yung pagkain nito kung paano susuplayin ng palengke ang ganito karaming pakakainin natin.
It’s a challenge. Baka kung madagdagan pa ito baka abutin na natin ang mga Bacungan na schools ganun na po karami ang nagko-commit,” paliwanag ni Austria.
Dagdag pa ng opisyal, ang higit labindalawang libong atleta ay nangangahulugan lamang na ‘gusto ng mga atleta ang ating lungsod [at] nakita nila ang ating mga facilities’.
Ang Batang Pinoy ay kinapapalooban ng tatlumpung (30) iba’t ibang larong pampalakasan kung saan ang mga kalahok ay labimpitong (17) taong gulang pababa.
“Hopefully, we will be having a very successful, pinakamagandang palaro sa Batang Pinoy sana po maganap dito sa lungsod,” ani pa ng City Sports Director.