Photo courtesy | Repetek

PUERTO PRINCESA — Ipinagdiwang ang ika-31st taong anibersaryo ng Tubbataha Reef National Park na dinaluhan ng iba’t ibang personalidad nitong araw ng Martes, Disyembre 10, sa Best Western Ivywall Hotel sa Lungsod ng Puerto Princesa.

Kasabay ng selebrasyon ang paglulunsad ng storybook na ‘I Am Clowny of Tubbataha, Praying (Ako, si Klawni ng Tubbataha, Nananalangin) na naging posible sa pamamagitan ng Tubbataha Management Office at pakikipagtulungan ng UNESCO National Commission of the Philippines (UNACOM) at International Board on Books for Young People—Philippines (IBBY).

Ayon kay Atty. Teodoro Jose Matta, ang nabanggit na aklat ay hindi lamang isang aklat pambata; ito ay isang libro na daraan sa atin bilang pag-asa, pangarap, at adhikain para sa hinaharap, ito rin ang magiging mas magandang kinabukasan para sa ating pamilya, kaibigan, apo, at mga anak.

“Marahil iilan lamang sa 1,200 World Heritage Sites ang magkakaroon ng ganitong pagkakataon magdiwang ng ika-31 anibersaryo, ang pagkakataong ito ay dumating pagkatapos ng pangako na ipatupad ang pinakamataas na pamantayan ng mga hakbang sa konserbasyon upang matiyak na ang mga henerasyon; makikilala ang buhay ni Klawni ang bida sa story book na nakatira sa marangal na Tubbataha reef,” ani Lindsay Barrientos, Acting Secretary Gen. United Nations Commission of the Philippines.

Ayon kay Tubbataha Protected Area Superintendent Angelique Songco, nilalayon ng librong ito na ipakilala sa mga batang mambabasa ang magkakaiba at makulay na underwater ecosystem ng marine park sa pamamagitan ng pananaw ni Klowni.

Binigyang-diin din ni Songco ang kahalagahan ng pagtatanim ng kamalayan sa kapaligiran sa mga nakababatang henerasyon bilang mga tagapangasiwa ng pangangalaga sa dagat.

Ang Tubbataha Natural Park ay kilala rin bilang Tubbataha Reefs Natural Park na isang protektadong lugar sa Pilipinas na matatagpuan sa gitna ng karagatan sa Sulu.

Matatagpuan ito sa 150 kilometro o 93 miles sa timog-silangan ng Puerto Princesa, Palawan. Ang lugar na ito ay isang santuwaryo ng mga ibon at iba pang marine specie, ito ay binubuo ng dalawang napakalaking atoll — North Atoll at South Atoll; sinasaklaw nito ang kabuuang lugar na 97,030 ektarya (239,800 acres o 374.6 sq mi.).

Dumalo sina Atty. Teodoro Jose Matta, Executive Director, Palawan Council for Sustainable Development (PCSD), Tubbataha Protected Area Management Board Member; Lindsay Barrientos, Acting Secretary General, United Nations Commission of the Philippines; Kristine Mandigma, President, International Board on Books for Young People – Philippines; Pastor Raphael Levi Arnan, United Evangelical Church of Palawan, Illustrator/Graphic Designer; Ma. Retchie Alaba m, Assistant PASu/Research Officer, Tubbataha Reef National Park; at Alfredo Amor Magbanua, Education Program Supervisor – MAPEH DepEd – Puerto Princesa.