Photo Courtesy | CIO Puerto Princesa
PALAWAN, Philippines — Tinupok ng apoy ang nasa mahigit limandaang (500) kabahayan sa pagitan ng Barangay Bagong Silang at Pagkakaisa sa Lungsod ng Puerto Princesa bandang 2:18 nang madaling araw, Miyerkoles, Pebrero 7.
Sa ulat ng City Information Office, agarang nagsagawa ng pagpupulong ang mga opisyal ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO), City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO), City Information Office (CIO), at kinatawan ng City Department of Education (DepEd) para makakalap ng ‘situation report’ sa nangyaring sunog sa Quito area.
Batay sa inisyal na ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP) Puerto Princesa, naitawag sa kanilang tanggapan ang nasabing sunog bandang 2:25 nang madaling araw na naideklarang fire under control bandang alas-kuwatro y singkuwenta’y sais (4:56) nang umaga.
Aabot umano sa 3.5 milyong piso halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy. Wala namang naitalang nasaktan sa nangyaring sunog.
Ayon pa sa tanggapan ng City Information Office, ang pagpupulong ay bahagi ng paghahanda sa pagpapaabot ng agarang tulong ng pamahalaang panlungsod sa mga nasunugan at pagsisiguro na magiging maayos ang kanilang pansamantalang paninirahan sa evacuation center na itinalaga ng City Government.
Pinatutukan naman ni Punong Lungsod Lucilo Rodriguez Bayron na agad na makapagpadala ng mga taong magsasagawa ng pagsusuri sa kalusugan ng mga naapektuhan ng sunog.
Dagdag dito, sa Pilot Elementary School (PES) isinasagawa ang pagpapatala ng mga naapektuhan ng sunog. Sa nasabing eskwelahan din pansamantalang mananatili ang mga residenteng nasunugan.
Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang pag-iimbestiga ng mga awtoridad hinggil sa nangyaring sunog.