Ni Marie Fulgarinas
PALAWAN, Philippines — In-impound ng mga tauhan ng Puerto Princesa City Anti-Crime Task Force ang motorsiklong minamaneho ng isang lalaki dahil sa maingay na tunog nito noong nakalipas na Sabado, Agosto 24.
Sa ulat ng We R1 At Your Service, naganap ang pag-impound bandang 5:46 ng hapon sa bahagi ng Alta Homes at Kahabaan ng Bgy. San Jose.
“May narinig tayo na bumobomba at maingay na motor kaya agad bumaba ng mobil ang dalawa nating tropa at nakita natin na [mayroong] motor na naka-open-pipe sa unahan — atin itong in-apprehend. Nagbalak pa itong tumakas kaya’t ating pinatay ang susian ng motor kaya hindi na ito nakapalag pa,” pahayag ng grupo.
Sa patuloy na pag-uusisa ng tropa, napag-alaman na walang lisensya ang drayber at wala ring kaukulang papel o dokumento ang motorsiklo nito.
“Paliwanag ng nahuling motorista, ito raw ay galing circuit at may laro raw sila. Nang hanapan natin ito ng permit ng sinasabing laro, napag-alaman natin na [alibi] niya lamang ito,” dagdag ng grupo.
Dahil dito, in-impound ng Anti-crime Task Force ang nasabing motorsiklo habang inisyuhan naman ng traffic violations ticket ang drayber nito.