Photo |

Repetek News

Ngayong araw ng Biyernes, Hunyo 14 ang grand opening ng Baragatan 2024 sa lalawigan ng Palawan.

Bago ang pagsisimula ng programa, magkakaroon ng banal na misa ngayong alas otso ng umaga (8:00 AM) kung saan pangungunahan ito ng tatlumpung pari mula sa bikaryato ng Taytay, Palawan, at Lungsod ng Puerto Princesa.

Pormal na bubuksan ang programa sa alas nuwebe ng umaga (9:00 AM) kung saan ito ay pangungunahan ni Palawan Governor Victorino Dennis Socrates.

Sa panayam kay Ceasar Sammy Magbanua, Baragatan Committee Chairman, ala-una naman ng hapon (1:00 PM) ang parada ng iba’t ibang mga Local Government Unit sa lalawigan kung saan dapat abangan ang naglalakihan at naggagandahang float ng bawat munisipyo.

“Naglevel up ang mga local government sa paghahanda ng kanilang mga float. 19 out of 23 municipalities ang kalahok— ang iba ay hindi nakasama tulad ng Dumaran dahil may kasabay na festival,” ani Magbanua.

Kung ikukumpara sa Baragatan noong nakaraang taon, mas malaki ang naghihintay na premyo sa iba’t ibang kompetisyong inihanda ng Provincial Government.

“Mas mataas kaysa nakaraang taon [dahil] hiling din ng mga LGUs dahil costume pa [lamang] magastos na,” dagdag pa ng opisyal.

Kinumpirma rin nito ang pagdalo ni Department of Tourism Regional Director Roberto Alabado at Retired Colonel Ariel Querubin.

Inimbitahan din si Department on Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr., ngunit ayon kay Magbanua wala pang kumpirmasyon ang pagdating ng Kalihim.

Sa gabi naman ay matutunghayan ang pagtatanghal ng bandang December Avenue.