Photo courtesy | PIO Palaawan

Ni Samuel Macmac

PUERTO PRINCESA CITY — Nakapagtala ng mataas na kaso ng malaria ang mga Barangay Ransang (93), Barangay Punta Baja (62), at Panalingaan (46) ng bayan ng Rizal sa lalawigan ng Palawan, batay sa pinakahuling datos ng Kilusang Ligtas Malaria (KLM) mula nitong buwan ng Enero hanggang Abril 2024.

Sa isinagawang blood smearing ng Kilusang Ligtas Malaria (KLM) sa 11 barangays sa bayan ng Rizal, mayroong 357 ang nagpositibo sa malaria, ayon sa tanggapan ng impormasyon ng kapitolyo.

Ang kalahati ng 6,188 na kaso ng malaria sa lalawigan sa nakalipas na taong 2023 ay mula sa bayan ng Rizal na may 3,419 na kaso na kung saan naiulat na may pinakamaraming naitalang kaso rito sa nakalipas na taon sa nasabing bayan ang Barangay Ransang na may 768 kaso.

Ang mga Indigenous People (IP) at tribal leaders na Palaw’an katuwang ang mga barangay officials sa bayan ng Rizal ay binisita ng grupo ng GFATM funded Movement Against Malaria (GF-MAM) upang alamin ang kasalukuyang sitwasyon ng malaria disease reduction experience sa Palawan at magsagawa ng Information and Education Campaign patungkol sa sakit na malaria.

Namahagi rin ang grupo ng libreng mga gamot at bitamina, long-lasting insecticidal nets o kulambo at food packs maging ang malaria blood smearing, height and weight taking ng mga sanggol at bata.

Samantala, karaniwang nakukukuha ang sakit na malaria mula sa kagat ng babaeng lamok. Ilan sa mga sintomas ng malaria ay pananakit ng ulo, lagnat, pagkahilo, at hirap sa paghinga. Hinihikayat ang publiko na magpatingin sa ospital kung may hinalang nakakaranas ng sakit na malaria.

Ayon sa World Malaria Report ng World Health Organization (WHO), mayroong 249 milyong naitalang kaso ng malaria taong 2022 kumpara sa naitalang 244 milyon noong 2021 na kung saan tinatayang 608,000 ang naiulat na binawian ng buhay dahil sa sakit na malaria taong 2022.

Ang Pamahalaang Panlalalawigan ay patuloy na nagsusumikap para mapababa at labanan ang bilang ng kaso ng malaria sa lalawigan gayundin ang pagsasakatuparan na maging Malaria-free nation sa taong 2030 kaugnay sa nilalayon ng Department of Health (DOH).

Author