DUMAONG na sa Puerto Princesa Port ang MV Seabourn Encore, ang huling cruise ship na dumating para sa buwan ng Enero, taong kasalukuyan.
Mainit na sinalubong ng Tanggapan ng Turismo ng Pamahalaang Panlungsod ang pagdating ng naturang cruise ship sakay ang mga banyagang turista at mga crew ng barko.
Hinandugan ng makulay at makasaysayang sayaw ang mga bisita upang ipakita ang mayamang kultura ng lungsod ng Puerto Princesa.
Ang mga pasahero ay tutungo sa mga kilalang atraksyon sa lungsod kabilang ang Puerto Princesa Baywalk, Plaza Cuartel, Museum, Honda bay, at marami pang iba.
Batay naman sa pinakahuling abiso ng pamumuan ng PPUR ngayong ika-28 ng Enero, taong kasalukuyan, kanselado ang tours dahil sa nararanasang malalaking alon dulot ng masamang panahon.
Gayunpaman, maaari pa rin mag-enjoy ang mga turista sa mga Community-Based Sustainable Tourism (CBST) destinations tulad ng jungle trail, mangrove paddle boat tour, Sabang Falls, Ugong Rock, at hundred caves.
Samantala, mananatili ang Seabourn Encore ng hanggang alas sais ng gabi ngayong araw at magsisimula naman maglayag patungong Kota Kinabalu, Malaysia.
Nauna nang binisita ng naturang cruise ship ang Coron, Palawan, kahapon na may kamangha-manghang destinasyon na kilala sa kanyang nakakaakit na tanawin, mayamang biodiversity sa dagat, at malinis na dalampasigan.
Tanyag dito ang Kayangan Lake, twin lagoon, barracuda lake, sunken Japanese warships, at maquinit hot springs. Ilan naman sa mga magagandang nature activities ay island hopping, diving and snorkeling, hiking, at safari sa caluit wildlife.