PUERTO PRINCESA CITY – NASA humigit-kumulang dalawanlibo’t limandaang benepisyaryo mula sa bayan ng Narra ang nakatanggap ng tulong pinansyal mula sa Assistance to Individuals in Crisis Situations o AICS ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitongAbril 24, 2024 na ginanap sa Municipal Gymnasium ng naturang bayan.
Ayon sa Facebook post ni Bise Gob. Onsoy Ola, ang nasabing aktibidad ay pinangasiwaan ni Congresswoman Lani M. Revilla, Representative ng Ikalawang Distrito ng Cavite, bilang kinatawan ni Senator Ramon Bong Revilla, Jr., na namahagi ng tag-2,000 pisong tulong pinansyal para sa mga mamamayan ng Narra, Palawan.
Nakiisa rin sa pamamahagi ng tulong pinansyal si Bise Gobernador Onsoy Ola kasama sina Board Member Ryan Dagsa Maminta bilang kinatawan ni Gobernador V. Dennis M. Socrates, Abigail Ablaña, DSWD Provincial SWADT Eric A. Aborot, Bise Mayor ng Narra Marcelino “Jun” Calso Jr., Kgg. IPE Argueza at ABC President Ernie Ferrer.
Ang AICS ay isang programa ng DSWD na nagbibigay ng tulong pang-edukasyon, medikal, pamasahe, pampalibing, at maging probisyon ng pagkain at iba pang kagamitan para sa mga Pilipinong humaharap sa iba’t ibang krisis, sakuna, o matinding kahirapan.