Ni Ven Marck Botin
NABIGYAN ng tulong medikal ang aabot sa 2,213 mga mamamayan ng bayan ng Rizal matapos magsagawa ng medical mission sa ilalim ng Serbisyo Progreso Sambayan (SPS) ang Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan nitong ika-15 hanggang ika-17 ng buwan ng Agosto.
Ang mga residente mula sa labing isang (11) barangay na kinabibilangan ng Bunog, Iraan, Punta Baja, Campong-Ulay, Ransang, Candawaga, Culasian, Panalingaan, Taburi, Latud at Canipaan ang na benepisyuhan ng libreng konsultasyon para sa OB, paediatric, at internal medicine.
Nagsagawa rin ng libreng tuli o circumcision, laboratory, radiology, blood smear para sa malaria, height and weight taking, at pagkakaloob ng libreng mga gamot at bitamina sa mga residente ng Rizal, Palawan.
Idinaos din ang Mid-Upper Arm Circumference o MUAC checking para sa mga buntis upang malaman kung may sintomas ng Moderate Acute Malnutrition o MAM habang nagdadalang tao ang mga ito. Binigyan din ng milk powder formula package ang mga natukoy na mayroong sintomas o positibo sa MAM kung saan ay makatutulong na maibalik ang tamang nutrisyon ng mga ito.
Layon ng SPS Medical Mission na mailapit sa mga mamamayan ng Palawan ang libreng serbisyong medikal na bahagi ng pagsusulong sa sektor ng kalusugan ng lalawigan.
Naging matagumpay ang aktibidad sa pakikipagtulungan ng Dr. Jose Rizal District Hospital (DJRDH) at tanggapan ng ikalawang distrito, at iba pang sangay ng lokal na pamahalaan ng Palawan.