Ipinasilip na ng National Museum of the Philippines- Tabon Cave Complex sa publiko ang bagong tuklas na atraksyon sa bayan ng Quezon, Palawan — ang Bubulungon Cave.
Ang kuwebang ito ay matatagpuan sa kabilang panig ng Lipuun Point ng Tabon Cave Complex kung saan matatanaw ang Malanut Bay.
Ayon sa museyo, namumukod-tangi ang Bubulungon Cave dahil sa mga kamangha-mangha nitong koleksyon ng speleothems. Ilan lamang sa mga artifacts na nadiskubre sa lugar ang Metal Age jar burials.
“Although the cave’s archaeological deposits are shallow and have been heavily disturbed, it hasn’t been fully excavated. The mix of materials has complicated efforts to fully understand the archaeological significance of the site,” ayon sa museyo.
Dahil dito, pinaniniwalaan na ang kuweba ay ginamit bilang isang libingan sa dalawang magkaibang panahon, mula sa first millennium hanggang early second millenium AD.
Sa Chamber B naman natagpuan ang mga gamit pangkalakalan mula sa ika-11 hanggang huling bahagi ng ika-10 siglo AD, na nagmula pa sa dinastiyang Sung. Kabilang dito ang anim na restorable plates at apat na jars na ginamit bilang ‘secondary burials’.
Kasama rin sa mga natuklasan ang isang Indo-Roman bead na pinaniniwalaang ginawa pa sa Timog-India sa ilalim ng impluwensya ng Roma.
“Although such beads were produced between the 1st century BC and AD 200, this one appeared in Palawan much later, alongside Song Dynasty porcelains and stoneware,” dagdag pa ng museyo.
Anila, ang bagong tuklas na kuweba ay hindi pa kasama sa Tabon Caves Tour.