Photo courtesy | Kreuzfahrtstudio

Sa pagdating ng MV AIDAstella ng Aida Cruises sa Puerto Princesa Port, hindi lamang ang kanyang laki ang pumukaw ng atensyon, kundi pati na rin ang kanyang mga magagarbong pasilidad na nag-aalok ng kakaibang karanasan sa mga pasahero.

Ang MV AIDAstella ay isa sa pinakamalalaking cruise ship na dumaong sa lungsod ngayong taon, na may kakayahang magdala ng 2,140 pasahero at 623 crew.

Isa sa pangunahing atraksyon ng barko ay ang kanyang maluluwag na kabina at suites na may panoramic view ng karagatan. Ang bawat silid ay dinisenyo upang magbigay ng pinakamataas na antas ng kaginhawaan at luxury sa mga bisita.

Habang nagrerelaks, makikita sa itaas ng barko ang infinity pool na nagbibigay ng mala-paraisong tanawin. Sa tabi nito, matatagpuan ang mga gourmet restaurants na magpapaligaya sa iyong panlasa dahil sa mga masasarap na putahe mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Para sa mga naghahanap ng pagpapahingaan, ang spa and wellness center ng MV AIDAstella ay may kumpletong pasilidad tulad ng sauna at massage rooms. Samantala, para sa mga nais mag-ehersisyo, ang fitness center ay kumpleto sa mga modernong kagamitan.

Matutunghayan naman ang iba’t ibang pagtatanghal sa mga entertainment venues ng barko, na may mga teatro, sinehan, at live performances na tiyak na maaaliw ang mga bisita.

Isa lamang ang MV AIDAstella sa mga fleet ng AIDA Cruises na kinabibilangan din ng AIDAnova, AIDAperla, AIDAprima, AIDAmar, AIDAsol, AIDAblu, AIDAluna, AIDAbella, AIDAdiva, at ang AIDAcosma, na may pinakamataas na passenger capacity na aabot sa 6,600.

Samantala, batay sa City Tourism Department, ang kasalukuyang cruise ng MV AIDAstella ay 21 araw na pumapasyal sa Vietnam, Pilipinas, Taiwan, at Hongkong. Nagsimula ang itinerary noong Enero 6, 2025, at magtatapos sa Enero 27, ngayong taon.

Author