Photo courtesy | Ruan Maminta

Nais ni Board Member Ryan Maminta na dalhin sa committee hearing sa susunod na Martes ang usapin hinggil sa 25-year mining moratorium ordinance kasama ang mga ahensiya ng gobyerno para sa legal na batayan at opinyon.

Ayon sa bokal, dadalhin sa pagdinig ang mga sulat at nakolektang pirma na inorganisa ng Save Palawan Movement at mga katutubo nang mapag-aralan ang nararapat na hakbang.

Aniya, araw-araw bago dumating ang sesyon ng Sangguniang Panlalawigan ay pina-follow up ng kaniyang opisina ang mga sulat na kanilang ibinigay sa mga government agencies kaugnay sa nasabing usapin.

Hinihintay lamang aniya ng kaniyang tanggapan ang opisyal na sagot ng mga tanggapan ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) at National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) dahil hanggang ngayon ay wala pa umanong sagot sa kanilang ipinadalang liham.

Samantala, nagpaabot naman ng mensahe sa pamamagitan ng Facebook post ang Save Palawan Movement para kay Board Member Maminta na kung saan sinita ang naging pahayag ng bokal ukol sa kaniyang pagliban sa sesyon sa nakaraang buwan ng Nobyembre, nakaraang taon.

“Kaya maraming absent sa trabaho n’yo at kaya ‘walang quorum’ noong buwan ng Nobyembre 2024 ay dahil napagod kayo sa maraming lakad. Naiintindihan na po namin ngayon saan nauubos ang enerhiya n’yo,” pahayag ng grupo.

“Mas mainam kung maipasa n’yo na ang mining moratorium para p’wede na po kayo ulit mag-enjoy sa ‘sing and dance’ ninyo,” dagdag ng grupo.

Sa kabilang dako, mainit pa ring pinag-uusapan sa buong lalawigan ang isyu ng 25 na taong pagbabawal sa anumang pagmimina.

Isinusulong ng ilang lokal lider ng pamahalaang panlalawigan, mga lider ng simabahang katolika, at non-government organizations ang moratorium bilang bigyang pagkakataon na makapagpahinga ang kalbong kalikasan at bigyang proteksiyon ang mga buhay-ilang na apektado ng malawakang pagmimina. | via Lars Rodriguez

Author