PUERTO PRINCESA CITY — Tutol si Board Member Ryan D. Maminta na magkaroon ng anumang offshore gaming operations at pagtatayo ng Philippine offshore gaming operators (POGOs) sa lalawigan ng Palawan dahil magdudulot lamang umano ito ng negatibong epekto sa lipunan.
Sa kaniyang privilege speech sa regular na sesyon ng Sangguniang Panlalawigan nitong araw ng Martes, Hulyo 2, tinalakay ng bokal ang nakababahalang isyu na nauugnay sa kontrobersyal na offshore gaming operations at mga gawaing illegal o labag sa batas gaya ng money laundering, kidnapping, at iba pa, na maaaring makasasama sa seguridad at reputasyon ng lalawigan na kung saan tahasang inihayag ng bokal na huwag pahintulutan sa Palawan ang nasabing operasyon.
“Our province [is] intensively monitored because there are reports that Palawan is being marketed internationally as a prime location for [POGOs]. [This threatened] the safety and security of our citizens also tarnished the reputation of our beloved province,” ani Maminta.
Ayon pa kay Maminta, nitong mga nakaraang araw ay mayroong lumabas na bali-balita na ang ilan sa mga isla sa Northern Palawan ay mayroon na umanong konstruksiyon para sa pagsasagawa ng illegal offshore gaming operations sa lalawigan.
Dahil dito, iminungkahi ni Maminta na pagbawalan ang pagsasagawa ng nasabing operasyon at pagtatayo ng POGO outlet sa Palawan.
“In light of these developments, I am pleased to inform that we have filed an ordinance banning these establishment of operations and [the supposed] operation of POGOs and all its related activities in the entire province of Palawan.
This is our firm belief [that] the punishment is necessary to protect the welfare of our people and to ensure that Palawan remain safe and prosperous place for all,” pahayag ng bokal.
Samantala, sa kaparehong sesyon, inihayag din Maminta ang kaniyang suporta sa Batas Republika 12001 o Real Property Valuation and Assessment Reform Act (RPVARA) na naglalayong taasan ang antas ng pangongolekta ng buwis sa sektor ng real property o ariariang ’di natitinag na pinaniniwalaang lubos na makatutulong sa mga mamamayan sa bansa.
Ninanais din ng bokal na maglunsad ng ordinansa upang maipatupad ito nang maayos sa buong probinsya.