Photo courtesy | Rizal Reed Detachment
PUERTO PRINCESA – Nasagip ang isang (1) mangingisdang Pinoy na higit walong araw nang palutang-lutang sa karagatang sakop ng West Philippine Sea (WPS) nitong Enero 1, ngayong taong 2024.
Batay sa ulat na natanggap ng littoral monitoring system ng Western Command (WESCOM) mula sa Rizal Reef, nasagip diumano ang mangingisdang kinilalang si Rosalon Cayon o Rhon Franz Cayon, 31-anyos, at residente ng Brgy. Bagong Sikat, sa Lungsod ng Puerto Princesa.
Sa panayam kay Cayon, kasama umano niyang pumalaot nitong Disyembre 20, 2023, ang isa pang mangingisda na nagngangalang “Junior” sa magkahiwalay na bangka, na kalaunan ay tumaob ang kanyang sinasakyang bangka nitong ika-23 ng Disyembre dahil sa nabutas ito at sa pamamagitan ng isang pirasong styrofoam ay nanatili siyang palutang-lutang sa dagat sa loob ng walong araw habang nahiwalay sa kanyang kasama.
Dagdag pa rito, nasagip si Cayon ng isang bangkang pangisda ng Chinese-flagged vessel na agad naman siyang dinala ng mga ito sa Rizal Reef Detachment (RRD) kung saan kasalukuyan siyang ginagamot at inaalagaan ng tropang Pilipino na nakatalaga sa lugar.
Samantala, ipinaalam na ng Western Command (WESCOM) sa pamilya ni Cayon na siya ay ligtas at nasa maayos nang kalagayan sa ilalim ng pangangalaga ng mga tropang namamahala sa Rizal Reef Departmen at inayos na rin ng WESCOM ang kanyang pag-uwi.