Nakabinbin sa Roxas Regional Trial Court ang kaso ng isang mangingisda, na matagumpay na nalambat ng awtoridad sa bisa ng warrant of arrest, na isinagawa nitong nakalipas na ika-29 ng Hulyo, taong kasalukuyan.
Pasado ala-una ng hapon nang maaresto ang 42-taong gulang na mangingisda na kinilalang si alyas “Jomar”, may asawa, at residente ng Barangay Sta. Teresita, matapos isilbi ng mga tauhan ng Dumaran Municipal Police Station (MPS) ang warrant of arrest na may kaugnayan sa paglabag sa Philippine Fisheries Code of 1998 o Republic Act 8550.
Inilabas ang warrant of arrest noong Mayo 6, 2025 ni Presiding Judge Anna Leah Y. Tiongson-Mendoza, Regional Trial Court, Branch 164 Palawan sa Roxas, Palawan, na may inirekomendang piyansa ang korte na P20,000.00 para sa kaniyang pansamantalang kalayaan.
Matapos ang pagkakaaresto, agad na dinala si Jomar sa himpilan ng Dumaran MPS (Mainland) para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon. Patuloy naman ang koordinasyon ng awtoridad sa korte para sa susunod na hakbang ng kaso.
Sa pinaiigting na kampanya kontra wanted person ng Palawan Provincial Police Office sa ilalim ng pamumuno ni Police Colonel Jovito M. Atanacio, Acting Provincial Director, pinaaalalahanan ang publiko na may panangutan ang bawat mangingisda sa maling paraan ng pangingisda bilang bahagi ng kampanya ng awtoridad para protektahan ang likas-yaman ng Palawan.
via Samuel Macmac