PUERTO PRINCESA CITY — ISINAGAWA sa amphitheatre ng Palawan State University (PalSU) ang first screening sa lalawigan nang documentary film na “The Blue Quest Palawan” nito lamang ika-19 ng Abril.
Binigyang-diin sa dokyumentaryong ito ang mga ginagawang pagsisikap ng Tubbataha Reefs Natural Park (TRNP), Community Centered Conservation (C3) Philippines at SULUBAAI sa pagpreserba at pagprotekta sa marine biodiversity ng lalawigan. Ang Palawan, isang UNESCO biosphere reserve at tinaguriang “Last Ecological Frontier” ng Pilipinas.
Ang “The Blue Quest Palawan” ay ginawa nina Clement Pourtal at Jerome Brousse. Ito ay nakatanggap ng Conservation Award sa International Ocean Film Festival sa San Francisco.
Ayon kay Pourtal, ang award na ito ay kanyang iniaalay sa napakagandang adhikain ng TRNP, C3, at SULUBAAI para mapangalagaan ang mga marine protected areas gayundin ang mga taong nasa likod ng mga matagumpay na programang ito na nagdulot ng positibong epekto sa komunidad.
Ang Tubbataha Reefs Natural Park, isang marine protected area, ay matatagpuan sa Cagayancillo, Palawan. Ang Tubbataha Management Office (TMO) ay nagpapatupad ng law enforcement, research, education at monitoring para sa konserbasyon ng TRNP.
Ang C3 na nakabatay sa Busuanga, Palawan, ay kinikilalang isang National Lead Agency na nakatuon sa pag-aaral at pamamahala ng mga Dugong sa Calamianes Island.
Ang SULUBAAI Environmental Foundation, isang non-profit organization na nakabase sa munisipyo ng Taytay, Palawan ay itinayo noong 2012 ng mag-asawang Frederic at Chris Taridiue sa layuning maipreserba at mapanumbalik ang ecosystem ng Palawan partikular ang marine resources sa lokal na komunidad.
Sa mensahe ni PCSD Vice Chairman Ferdinand Zaballa, ang dokyumentaryong ito ay nagpapaalala ng ating responsibilidad na pangalagaan ang marine resources sa Palawan.
“Let’s continue to be steward of our ocean, advocating and protecting for marine protected areas and embracing sustainable practices that ensures the well-being of our communities and our environment.
Our actions today will determine the legacy for future generations. Sana this documentary ay tumatak sa ating puso at magradiate sa ating araw-araw na gawain,” ayon kay Zaballa.
Ang screening ay naging posible sa pakikipagtulungan ng Palawan Council for Sustainable Development (PCSD) bilang bahagi sa nalalapit na World Fish Migration Day sa Mayo 25, 2024.