PHOTO || REPETEK NEWS TEAM

Ni Clea Faye G. Cahayag


HABANG hinihintay pa na mai-relocate ang mga coastal dwellers mula sa iba’t ibang barangay ng Puerto Princesa, isa sa nakikitang paraan ng lokal na pamahalaan ng Puerto Princesa ang pagsasagawa ng malawakang Information, Education and Communication (IEC) Campaign para maisalba sa polusyon ang Puerto Princesa bays.

Ayon kay Punong Lungsod Lucilo Bayron, kailangan maintindihan at makumbinsi ang mga coastal dwellers na huwag magtapon ng basura sa alinmang yamang tubig at makiisa sa mga coastal clean-up dahil hindi lang ang kalinisan ng tubig ang napipinsala dahil sa polusyon, maaari din ito magbigay ng sakit, at mamatay ang mga lamang dagat.

“Yung relocation kasi long term talaga yun kasi kung gumawa ka lang ng dwelling hindi naman basta basta na ganun lang it will take time. Meanwhile, habang hinihintay natin ang relocation kailangan gawin na natin yung massive IEC syempre abutin natin lahat ng coastal dwellers, mga schools–simula tayo sa kinder hanggang college, tapos mga offices. Mula doon bubuo tayo ng maraming team para pwede tayong magsabay-sabay. Mapapakinabangan natin ang community kasi magtulung-tulong tayo basta may isang taga city government doon para alam namin kung anong nangyari sa isang lugar, yung iba puro galing na sa private [sector] sa business, sa mga civic organizations para mai-present natin sa public kasi ang mahalaga malalaman nila na may ganitong objective at papaano natin mamimeet yan para ma-excite sila, para makiisa sila sa atin,” paliwanag ng Alkalde.

Ang City Government ay bumili ng lote sa barangay Irawan kung saan irerelocate ang mga coastal dwellers sa lungsod, ito ay sa ilalim ng Pambansang Pabahay Program ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Ani Bayron, aprubado na ang plano para dito at pipili na lamang ng developer para sa proyekto. Aminado ang Alkalde na inaapura na ang bagay na ito dahil nais niyang makita ang positibong resulta nito sa ilalim ng kanyang administrasyon.

“Approved na yung plano ang gagawin nalang natin, maghanap nalang tayo ng developer. Marami nagpipresenta pero tsinetsek yun ng architecture natin, pinupuntahan ang mga offices, tinitingnan yung mga ginawa nila kasi ayaw natin magfail,” dagdag pa ng Alkalde.