IGINIIT ni incumbent Mayor Lucilo R. Bayron na mayroon pa siyang natitirang isang termino para tumakbong muli bilang alkalde ng lungsod ng Puerto Princesa.
Ito ang sinigurado ni Bayron matapos aniya isangguni sa iba’t ibang mga abogado sapagkat kaniyang inaasahang kukuwestyunin ng kalabang kampo ang kaniyang termino.
Ang anunsyong ito ay ginanap sa flag ceremony ng Pamahalaang Panglungsod sa new green city hall nitong umaga ng ika-7 ng Oktubre, taong kasalukuyan.
“Tsinek ko ‘yan sa ibang mga abogado kung mayroon pa nga ba akong isang term, e, ang sabi sa akin ay [mayroon] pa, may isa pa. So syempre kwinestyun ang termino ko eh maraming petisyon at disqualification ang papasok sa COMELEC para ipa-disqualify ako dahil sasabihin nila hindi na puwedeng tumakbong mayor kasi 2013 pa ‘yan nag-mayor” paliwanag ni Bayron.
Aniya pa, hindi umano siya lalabanan ni incumbent Vice-Mayor Ma. Nancy Socrates bilang mayor dahil saka lamang daw tatakbo si Socrates bilang mayor kung si councilor Raine Bayron ang kakandidato sa pagka-alkalde ng lungsod.
Sinubukan din niyang ialok kay Councilor Patrick Hagedorn na maging kaniyang running-mate bilang vice-mayor subalit hindi pa umano ito handa kaya naman ang napisil niya sa posisyon sa pagka-vice mayor ay ang anak na si councilor Raine Bayron.
“Hindi ko siya [Raine] pinili dahil anak ko siya. Nagkataon lang na anak ko siya. Pero angat na angat siya at nakikita ko sa kaniya na kaya niyang ipagpatuloy ang mga magagandang nasimulan natin at alisin ang mga hindi magagandang nasimulan natin at ipagpatuloy ang mabilis na pag-asenso ng lungsod ng Puerto Princesa,” saad niya.
Inilahad ni mayor Bayron na kaniyang huling termino na ang 2025 hanggang 2028, at pagtapos nito ay magreretiro na umano siya sa pulitika.
Samantala, dumalo sa flag ceremony si dating Palawan Governor at naging Kongresista rin noon na si Abraham Kahlil “Baham” B. Mitra na kumakandidatong Congressman para sa ikatlong distrito ng lalawigan.