Ni Vivian R. Bautista
SA pamamagitan ng tulong na ipinagkaloob ng Local Government Unit (LGU) ng bayan ng Linapacan sa Palawan State University (PSU) sa lugar, naging malapit ang kolehiyo sa mga estudyanteng gustong ipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.
Sa Facebook post, ibinahagi ni Mayor Emil na Neri na pinasalamatan ng pamunuan ng PSU Linapacan ang lokal na pamahalaan at tanggapan ng Alkalde dahil sa subsidiyang natatanggap ng eskwelahan hanggang ngayon.
Aniya, nasa mahigit isang milyong piso ang natatanggap na tulong ng paaralan kada taon na ang layon ay suportahang ipagpatuloy ang operasyon ng PSU sa kanilang bayan.
Sa pagdalo ng Alkalde sa kaganapan, inalala nito ang naging mahalagang papel niya sa pagtatatag ng PSU sa Linapacan noong Sangguniang Bayan Member pa lamang siya.
Aniya, ginawa niyang scholar ang mga pioneer students upang maabot ang required number ng enrollees na pangunahing requirement upang payagang makapagtayo ng PSU Campus sa bayan ng Linapacan, Palawan.
Naging Guest Speaker ang Alkalde sa ginanap na National Service Training Program (NSTP) Graduation, Recognition at Awards Day sa pangunguna nina Richard L. Rosal, Officer-In-Charge (OIC) Campus Director, at Mark Anthony Toraldo, NSTP Coordinator ng PSU Linapacan.