Photo courtesy | WESCOM
PUERTO PRINCESA CITY — Matagumpay na isinagawa sa bayan ng Bataraza, Palawan, ang tatlong (3) araw na Medical at Dental Mission nitong ika-22 hanggang 24 ng Nobyembre.
Ang aktibidad ay pinangunahan ng mga tauhan ng 3rd Marine Brigade kasama ang ilang ahensya ng pamahalaan at non-government organizations (NGOs).
Nagtulong-tulong ang Marine Battalion Landing Team-7 (MBLT-7) at mga boluntaryo mula sa iba’t ibang sektor upang maisakatuparan ang programa na naglalayong maghatid ng libreng serbisyo publiko sa mga barangay ng Inogbong, Malihud, at Bono-Bono, kung saan ay nasa mahigit 1,200 indibidwal ang tumanggap ng tulong medikal mula sa nabanggit na bayan.
Sa ulat pa ng Wescom, kabuuang nasa 490 katao naman ang humingi ng konsultasyong dental habang 200 indibidwal ang nabunutan ng ngipin at 310 na mga bata ang napagkalooban ng mga aplikasyon ng flouride upang matiyak ang kalusugan ng kanilang mga ngipin at bibig.
Dagdag dito, ipinagkaloob din ang serbisyong prenatal check ups para sa 667 na mga ina upang masiguro ang kalusugan ng mga sanggol sa sinapupunan at mga nagbubuntis.
Samantala, 18 indibidwal naman ang natulungan para sa kanilang mga alagang hayop sa serbisyong beterinaryo ng ahensya.
Nagkaloob naman ang team ng libreng gupit at namahagi ng mga kasuotan para sa mga piling benepisyaryo habang higit sa isanlibong (1,000) indibidwal naman ang natulungan ng feeding program na nagtataguyod ng mabuting nutrisyon sa loob ng komunidad.
Samantala, inihayag ni Lt. Colonel Joffrey Signio PN(M), Commanding Officer ng MLBT-7, ang pangako ng marines na makipagtulungan sa lahat ng sektor ng lipunan upang maihatid ang mga kinakailangang serbisyo publiko sa mga nangangailangan.
“Your Marines will always continue to collaborate with all stakeholders to further deliver government public services to the Palawenyos. This is part of our efforts to strengthen the advocacy for peace and development in the province,”ani Signio.