PUERTO PRINCESA CITY — Matagumpay ang isinagawang medical-dental mission ng Coast Guard District Palawan (CGDPAL) sa isla ng Pag-asa, Kalayaan, Palawan, nitong nakalipas na Miyerkoles, Marso 27.
Naging posible ang misyon sa pakikipagtulungan ng Lokal na Pamahalaan ng Kalayaan (LGU) at inisyatiba ng CGDPAL na ang layunin ay makapaghatid ng mahahalagang serbisyo sa pangangalagang pangkalusugan para sa mga residente ng lugar.
Nasa dalawampu’t pitong (27) residente ang nakatanggap ng medikal na konsultasyon mula sa Coast Guard Medical Clinic Palawan at Coast Guard Nursing Service Sub-Unit – Palawan habang apatnapu’t limang (45) residente naman ang napagkalooban ng serbisyong dental mula sa Coast Guard Dental Station Palawan.
Nakatanggap din ang dalawang (2) alagang hayop ng mga bakuna at gamot na pang-deworming mula sa Coast Guard Service Field-Veterinary Palawan.
Ayon sa ahensya, ang matagumpay na Civic Action Program na ito ay binibigyang-diin umano ang dedikasyon ng ahensya sa paglilingkod sa mga komunidad, pagpapalakas ng kalusugan, at pagpapalakas ng mga partnership para sa ikabubuti ng lipunan.
Magpapatuloy sa kanilang misyon ang ahensya na pangalagaan ang mga buhay at itaguyod ang kagalingan at muling pagpapatibay sa tungkulin nito bilang isang haligi ng suporta at tulong sa oras ng pangangailangan.