PHOTO | ANNE MUNOZ - MACAS

Ni Ven Marck Botin

NAKATAKDANG ipatawag sa Committee on Agriculture and Aquatic Resources ng Sangguniang Panlalawigan ang mga kinatawan ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan na may kinalaman sa monitoring, pagkontrol ng presyo, at suplay ng bigas sa Palawan.

Ayon sa ulat ng Provincial Information Office, kabilang sa ipatatawag sa pagdinig ang Department of Agriculture (DA), National Food Authority (NFA), Department of Trade and Industry (DTI), National Irrigation Association (NIA), Office of the Provincial Agriculturist (OPA), private traders, at mga magsasaka.

“If we notice the price of rice is already at ₱50… ang pinakamura po ay nasa ₱50 na dati po ito’y nasa ₱40. In consultation with some of the stakeholders, they are saying that the supply is very low at kapag [nagtuluy]-tuloy po ito, if situation worsen, baka umabot sa mas mataas na presyo pa ang bigas dito sa ating lalawigan,” pahayag ni Palawan Second District Board Member Ryan Maminta.

Ayon sa bokal, layon ng pagpupulong na malaman ang kasalukuyang estado ng suplay ng bigas sa lalawigan at matukoy ang dahilan ng pagtaas ng presyo nito sa pamilihan. Nararapat ding matukoy ang mga interbensiyon na maaaring ilatag ng pamahalaan upang maitaas ang produksiyon at mapababa ang presyo sa pamilihan.

Nais din ng bokal na masiguro ang food security sa lalawigan at matiyak na sasapat ang suplay ng bigas bago matapos ang taon na naaayon sa pangangailangan ng mga mamamayan ng Palawan.

“Kailangan natin malaman doon sa mga eksperto na nanggaling sa DA, OPA at NFA kung ano ba ang kalagayan ng suplay ng bigas sa ating lalawigan at ano ba ang pangunahing dahilan sa pagtaas ng presyo ng bigas at kung may sapat pa ba tayong suplay bago matapos ang taon at kung ano ang mga interbensiyon na [p’wedeng] gawin ng Pamahalaang Panlalawigan, ng mga departamentong ito, at saka ng mga lokal na pamahalaan para maging stable ang suplay ng bigas,” ani Maminta.

Nakaaalarma na umano ang estado ng suplay ng bigas sa lalawigan dahil may iilang naiulat na retail stores ang nagsara kaugnay sa kakulangan ng suplay na sanhi rin ng pagtaas ng presyo nito sa mga pamilihan.

“[Alarming in the sense] na may mga nagsara ng mga retail stores tapos dati 40 pesos, ngayon 50 pesos na tapos walang NFA rice, walang mapagkunan ang ating mga kababayan kaya obligadong bumili ng 50 pesos,” pahayag ng bokal.