Ni Ven Marck Botin
SUMAILALIM sa breeding program ng Livestock Production ng Provincial Veterinary Office ng Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan ang humigit-kumulang apatnalibu’t tatlundaang mga alagang kalabaw at baka, ayon sa Provincial Information Office.
Anila, umabot sa 4,331 kabuuang bilang ng mga nabanggit na alagang hayop mula sa mga bayan ng Roxas, El Nido, Coron, San Vicente, Aborlan, Dumaran, at Brooke’s Point ang nabigyan ng Artificial Breeding Program sa mga nakalipas na buwan, ngayong taon.
Nasa 2,033 bilang ng mga kalabaw habang 2,298 ang kabuuang bilang ng mga baka ang nabigyan ng AI Program ng ahensya.
Ang mga semilyang ginamit sa pagproseso ng artificial insemination ay mula sa mga dekalidad na lahi ng mga kalabaw at baka sa bansa.
Ayon pa sa lokal na ahensya, lahing Bulgarian Murrah Buffalo at Indian Buffalo ang ginamit sa mga alagang kalabaw habang Brahman breed naman, na kilalang highest-producers ng gatas, ang ginamit sa mga alagang baka sa Palawan.
Dagdag dito, nagkaloob din ng libreng oral deworming, vitamin supplementation, at massive pregnancy diagnosis ang pamunuan ng ProVet sa pangunguna ni Dr. Darius Mangcucang.
Samantala, lubos ang pasasalamat ng mga magsasaka dahil sa tulong na natanggap nila mula sa pamunuan ng ProVet.
Ang mga magsasaka ay hindi na kailangan pang gumastos sa mga gamot, bitamina at konsultasyon ng kanilang mga alaga dahil sa libreng serbisyong ibinigay ng ahensya.