PALAWAN, Philippines — Kinilala ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Puerto Princesa ang mga atleta na nag-uwi ng medalya sa katatapos lamang na MIMAROPA Regional Athletics Meet na ginanap sa bayan ng Naujan, Oriental Mindoro.
Batay sa Overall Medal Tally ng MRAA Commitee, ang mga atleta mula sa Secondary Level ng lungsod ay nakapag-uwi ng 71 gold, 43 silver, at 51 bronze medals habang ang atletang nasa elementarya ay nakakuha naman ng 19 golds, 25 silver medals, at 27 bronze medals.
Sa isinagawang recognition program nitong araw ng Lunes, Hunyo 10, sa Volleyball Court ng Ramon V. Mitra Sports Complex, Puerto Princesa, pinasalamatan ni Punong Lungsod Lucilo Bayron ang buong delegasyon ng lungsod sa kanilang pagsisikap na makapag-uwi ng karangalan sa siyudad.
“Ngayon pagdating [niyo], masayang-masaya kami, nakarating na kayo, walang naging problema, safe kayong lahat at nag-uwi ng pride and honor sa mahal nating lungsod ng Puerto Princesa. [Ako] ay nagpapasalamat sa mga magulang, coaches at lahat ng opisyal ng City DepEd,” ayon sa Alkalde.
Inanunsyo rin ni Bayron na mayroong katumbas na insentibo ang mga medalyang natanggap ng bawat atleta.
Nakasaad sa Section 8 ng City Ordinance 1207 na ang mga atleta mula sa lungsod ng Puerto Princesa na nagpakita ng natatanging galing sa regional, national at international na mga kompetisyon ay makakatanggap ng cash incentives; Individual Events: Gold- P7,000, Silver- P6,000 at Bronze-4,000 at sa Succeeding Medals: Gold- P5,000, Silver-P4,000 at Bronze- P3,000.
“Ang pamahalaang lungsod ay hindi nagkukuripot, nangingimi na gumastos para lalong mabigyan ng inspirasyon ang mga kabataan natin na sinasabi ni Dr. Jose Rizal— sila ang pag-asa ng bayan pero sinasabi naman ni Mayor Bayron sila ang tagapagmana ng lungsod ng Puerto Princesa itong mga kabataan na ito,” ani Bayron.
Dagdag pa ng Alkalde, maging ang mga coaches at trainer ay makakatanggap rin ng cash incentives mula sa city government.
“Hindi lang athlete ang makakakuha ng incentive gayundin ang mga coaches at trainers. Na coach mo [nakakuha ng] 10 gold.
10 gold x 7 x 20% yan ang insentibo sa coach at trainer,” paliwanag pa ng Alkalde.