SAN VICENTE, Philippines — Bida ang mga mananayaw ng iba’t ibang purok ng Barangay New Agutaya sa isinagawang street dancing kahapon, Miyerkoles, Pebrero 21.
Hindi nagpahuli sa pag-indak ang mga batang mananayaw na karamihan ay mag-aaral ng mababang paaralan sa lugar. Bigay-todo rin ang mga nanay at lola na kalahok na hindi alintana ang init, pagod, at uhaw.
Tunay ngang may masaganang ani ang Barangay New Agutaya dahil tampok sa mga kasuotan ng mga mananayaw ang hanapbuhay ng mga residente — ang pagsasaka’t pangingisda.
Sampung (10) purok mula sa labintatlong (13) purok ang nakilahok sa isinagawang street dancing kahapon. Ito ay kinabibilangan ng Purok Bagong Sikat, Maligaya, Kasipagan, Makabayan, Little Baguio, Bagong Silang, Matagumpay, Anscor, Katarungan, at Purok Damayan.
Makukulay na kasuotan at mga kagamitan na gawa sa mga indigenous at non-indigenous materials katulad ng rice straws, balat ng mais, niyog, bangka at lambat, gulay, sariwang isda, mga daing, at marami pang iba.
Aliw na aliw naman ang mga manonood sa bigay-todong yugyugan ng mga mananayaw.
Pinangunahan ni Punong Barangay Alex Baaco ang kapiyestahan kasama ang kaniyang konseho at mga youth leaders ng Sangguniang Kabataan ng New Agutaya.
Samantala, nakiisa naman sa pagdiriwang sina San Vicente Mayor Amy Roa Alvarez, Vice Mayor Ramir Pablico, at mga opisyal ng lokal na pamahalaan at Pamahalaang Panlalawigan ng Palawan.