PALAWAN, Philippines — Mag-oorganisa ng isang tour sa Tandikan Ville para sa mga benepisyaryo ng Pambansang Pabahay sa Pilipino (4PH) Program ang Pamahalaang Panlungsod ng Puerto Princesa.
Ang programang pabahay ay isang 5-storey building na matatagpuan sa Tandikan Ville, Barangay Irawan, nabanggit na lungsod.
Ayon kay Punong Lungsod Lucilo Bayron, ang paglilibot sa construction site ay isasagawa sa araw ng Sabado, ika-6 ng Hulyo, ngayong taon.
“Ang tawag doon sa housing project natin sa Irawan ay andikan Ville kasi yun ang pinili nila na pangalan. Sa Sabado, ito ay address sa Architect Office, ito-tour natin yung mga beneficiaries natin para roon sa ating Tandikan Ville Housing Project para makita nila, ma-impress sila na hindi pala biro dahil ang dami talaga naming bakal na kinakabit sa Tandikan Ville,” ayon kay Bayron.
Dagdag pa ng Alkalde, nasa 250 na katao sakay ng mga bus ang dadalhin sa Tandikan Ville.
Binigyang-diin pa ni Bayron, dahil construction site ang pupuntahan tanging mga ‘head of families’ lamang ang papayagang makasama.
“Anim na bus ang naipon ko na kayang dalhin ay 250 na katao mga ‘head ng families’, walang mga bata dahil construction site iyon tapos bawat isang bus may isang Architect.
Tapos ang gagawin natin pagdating du’n, du’n natin dadalhin sa plano at i-describe yung plano: 45 buildings, 134 families kada buildings ganun 6,030 families lahat lahat. Tapos dadalhin natin sila sa construction site para makita nila na talagang inaayos ang project na ito,” pahayag pa ng alkalde.