Photo courtesy | City Government of Puerto Princesa
PUERTO PRINCESA CITY – Sa flag raising ceremony nitong araw ng Lunes, Disyembre 11,2023 inanunsyo ni Punong Lungsod Lucilo Bayron na makakatanggap ng insentibo ang mga kawani ng pamahalaang lungsod gayundin ang mga barangay health workers (bhw).
Aniya, ang lahat ng regular na empleyado ng city government ay makakatanggap ng P20,000 na service recognition incentive, P5,000 naman ang insentibo para sa mga job order na empleyado gayundin para sa mga BHW.
“Meron kasi akong good news sa mga kawani ng pamahalaang lungsod. Lahat ng mga regular employees tatanggap ng service recognition incentive sa halagang P20,000 kada isa at sa lahat ng job order alam ko hinihintay din ng bawat J.O [tatanggap sila ng] 5,000 na gratuity pay,” ang good news ng Alkalde sa mga kawani ng lokal na pamahalaan.
Binigyang diin ni Bayron na “masuwerte” ang city gov’t dahil magaling ang finance committee nito sa paghahanap ng pondo kaya naging posible ang pagbibigay ng mga insentibo.
“Siguro matutuwa yung mga health workers natin kasi sa effort ng ating expanded finance committee pinagtulung-tulungan nila na makahanap ng pondo kaya makapagbibigay tayo ng P5,000 incentives sa mga BHW natin. Sama-sama na lahat doon, iba’t ibang mga workers ito. Ipapadala ito sa Sanggunian, kailangan maaksyunan ito ng Sanggunian,” ani Bayron.
Ayon pa sa Alkalde, aabot sa 53.2 milyon ang kailangang budget para mabigyan ng insentibo ang mga nabanggit na indibidwal.
“Ang halaga lahat lahat nun ay 28 milyon pesos, yung sa BHW– 5.2 milyon, [sa gratuity pay] ang total amount ay 20 milyon. Lahat lahat 53.2 milyon para sa mga kawani ng pamahalaang lungsod ng Puerto Princesa,” dagdag pa ni Bayron.