(Makikita sa larawan ang mga estudyanteng kalahok sa nasabing pagsasanay. Photo courtesy: DOST Palawan)
PUERTO PRINCESA CITY –Nagsasagawa ng School-based Mechatronics and Robotics Training sa iba’t ibang paaralan sa lalawigan ng Palawan ang mga tauhan ng Department of Science and Technology (DOST) Provincial Office.
Sa Kapihan sa Philippine Information Agency (PIA)- Palawan kahapon, araw ng Huwebes, Mayo 30, inihayag ni Science Research Specialist Phyllicia Anne M. Baguyo- Salaria na buwan ng Enero nagsimula ang kanilang tanggapan sa pagsasagawa ng nabanggit na pagsasanay.
Aniya, nitong buwan ng Abril, sinanay sa 3D Printing ang mga Grade 7 hanggang Grade 9 students at mga guro ng Quezon National High School, Barangay Alfonso XIII, Quezon, Palawan.
At ngayong buwan naman ng Mayo, sinanay naman sa Robotics ang mga Grade 7 hanggang Grade 9 students’ ng Apurawan, Bubusawin, at Culandanum National High School sa bayan ng Aborlan, Palawan.
Layunin ng pagsasanay na pahusayin ang mga estudyante sa pag-assemble ng Sumobot, turuan ng basic programming para mapagana ang robot at 3D printing bilang paghahanda na rin sa nalalapit na kompetisyon na bahagi ng programa ng Baragatan 2024.
“Ito po yung mga basic robots lang [din] – ‘yung mga Sumobot. Basic lang [din] ini-introduced muna para po magkaroon ng exposure ang mga kabataan na mayroong mga ganu’n pong robotics, na may ‘advanced technology’ po na p’wede nilang ma-explore at hindi lang po kung ano ang nakikita nila sa paligid nila,” ayon kay Salaria.
Ayon pa sa opisyal, maliban sa robotics tinuturuan din ng DOST Palawan ang mga estudyante sa paggamit ng 3D printer.
“’Yun naman po ang machine na nakakagawa po siya ng mga 3D figures design then ilalagay po muna sa isang software and ipi-print po siya na isang 3D figure,” dagdag pa nito.
Paliwanag pa ni Salaria, nasa 300 mga estudyante na ang naging partisipante ng naturang pagsasanay.
Ang Mechatronics at Robotics Training ng DOST Palawan ay patuloy na isasagawa sa iba’t ibang paaralan sa lalawigan.