PUERTO PRINCESA CITY — Agad na nirespondehan ng Coast Guard Station Southern Palawan (CGSSP) ang mga pasaherong sakay ng lumubog na motorbanca malapit sa Pier ng Brgy. Rio Tuba, Bataraza, Palawan.
Ayon sa ulat ng ahensya, lulan ng bangka ang nasa labinwalong (18) mga estudyante kabilang ang isang boat operator nang mangyari ang insidente ngayong araw ng Martes, Marso 12.
Agad namang nagsagawa ang CGSS Rio Tuba ng rescue operation upang sagipin ang nasabing mga indibidwal.
Lumabas sa imbestigasyon na umalis ang MBCA sa Sitio Biya-biya, Barangay Taratak, Bataraza, upang maghatid ng 18 estudyante sa Sitio Marabahay, Barangay Rio Tuba.
Ayon sa mga awtoridad, overloaded o maraming sakay ang bangka na naging dahilan upang pasukin ito ng tubig.
Matagumpay namang nailigtas ng coast guard personnel ang lahat ng pasahero ng naturang bangka.
Binibigyang-diin ng operasyong ito ang hindi natitinag na pangako ng Philippine Coast Guard na tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng mga Pilipino sa karagatang sakop ng bansa.