PUERTO PRINCESA CITY — Naharang ang dalawang kahon ng mga frozen chilled giant tiger prawns na iligal na ibinyahe sa El Nido Port, Palawan, nitong ika-13 ng Enero, taong kasalukuyan.
Ang mga ito ay nasabat sa pamamagitan ng isang matagumpay na operasyon na isinagawa ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Coast Guard Station Northern Palawan.
Batay sa impormasyon ng awtoridad, nagsimula ang insidente nang matuklasan ng Quarantine Inspector ng BFAR ang mga kahon ng giant tiger prawns na sakay ng MV May Lilies mula Maynila. Dahil dito, humingi siya ng tulong sa Coast Guard Station Northern Palawan upang mabigyan ng kaukulang aksyon ang nasabing iligal na pagbiyahe nito.
Agad ding nagresponde sa insidente ang pinagsamang-puwersa ng Coast Guard K9 Field Operating Unit, Special operations Unit-Northern Palawan, at Marine Environmental Protection Enforcement and Response Unit (MEPERU) .
Sa kanilang pagdating sa pantalan ng El Nido, nakumpirma ng BFAR inspector ang ilegalidad ng mga giant tiger prawns at agad kinumpiska para sa tamang disposisyon.
Samantala, ang giant tiger prawn, kilala sa siyentipikong pangalan na “penaesus monodon”, ay isang uri ng hipon na may malaking sukat at mga guhit na kahawig ng tigre.