PUERTO PRINCESA CITY — Hinuli ng mga tauhan ng Joint Task Force Malampaya ng Western Command ang apat (4) na mga sasakyang pandagat makaraang maaktuhan na nangingisda malapit sa mismong oil rig o Malampaya Platform.
Batay sa ulat, ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 5 nautical mile exclusion zone bilang bahagi ng security measures sa lugar.
Dagdag dito, binigyan lamang ng babala at dinokumento ng Task Force ang apat na bangkang pangisda. Kinunan din ang mga ito ng profile at iba pang detalye para sa posibleng legal na asuntong kanilang kakaharapin.
Ang operasyon ay pinangunahan ng SEAL Team ng Naval Special Operations Unit 10 ng Philippine Navy nitong Marso 8.
Sa kabilang dako, patuloy ang isinasagawang pagbabantay ng mga tauhan ng Joint Task Force Malampaya (JTFM) sa loob ng nasasakupan ng Malampaya Natural Gas-to-Power Project Platform (MNGPP).
Ayon sa Wescom, layon ng pagbabantay na maprotektahan ang mga kritikal na imprastraktura at matiyak ang maritime security sa MNGPP zone.
Maraming sasakyang-dagat na rin umano ang nais pumasok sa MNGPP zone ang naharang ng JTFM sa pamamagitan ng Maritime Unmanned Aerial Reconnaissance Squadron (MUARS) Flight Alpha at iba pa.
“We remain vigilant in securing the MNGPP, a key key asset in our country’s energy sector,” ani Commodore Brendo Casaclang PN, JTFM Commander.