Ginanap sa lungsod ng Puerto Princesa nito lamang ika-28 ng Agosto ang Young Leaders Assembly bilang bahagi ng pagdiriwang ng Puerto Princesa Youth Festival 2024 na dinaluhan ng humigit-kumulang 600 youth leaders mula sa iba’t ibang paaralan at youth organizations sa lungsod.
Nagbahagi ng kaalaman sa mga kabataan ang mga tanggapan ng Department of Information and Communications Technology o DICT kung saan ipinaliwanag ng grupo ang Cybersecurity, ang Population Control Division ng City Health Office (CHO) naman ay tinalakay ang mga usapin sa adolescent, teenage pregnancy at epekto ng pre-marital sex sa mga kabataan.
Maliban dito, kabilang din sa paksa ang epekto sa mga kabataan ng illegal drugs na ipinaliwanag ng Balay Silangan Center ng CHO at ang City Youth Development Office ay nagbigay ng kaalaman at kahalagahan ng Youth Organization Registration Program o YORP ng National Youth Commission.
Binigyang-diin naman ni Sangguniang Kabataan Federation President Karl Dylan Aquino ang mga kaalamang makukuha sa Young Leaders Assembly ay magagamit ng mga kabataan hindi lang sa kanilang organisasyon gayundin sa kanilang mga personal na buhay.