Photo Courtesy | AFP Western Command 

PUERTO PRINCESA CITY – Bilang bahagi ng patuloy na Multilateral Maritime Exercise (MME) sa West Philippine Sea, ang Armed Forces of the Philippines (AFP), United States Indo-Pacific Command (USINDOPACOM) at ang French Navy ay matagumpay na naisagawa ang pagsasanay ukol sa Simulated Replenishment at Sea (RAS) nitong Abril 26, 2024.

Ang naturang pagsasanay ay pinangunahan ng BRP Ramon Alcaraz (PS16), na may partisipasyon mula sa FS Vendemiaire (FFH734), BRP Davao del Sur (LD602), at USS Harpers Ferry (LSD49).

Ayon sa AFP WESCOM, ang Replenishment at Sea exercise ay kritikal para sa pagpapanatili ng operational na kahandaan at pagpapalawak ng operational range ng naval fleets.

Sa panahon ng ehersisyo, inatasan ng BRP Ramon Alcaraz ang mga kalahok na yunit ukol sa mga taktikal na mensahe na nagtuturo sa mga yunit na lumapit mula sa portside nito sa layo na hindi bababa sa 80 yarda. Habang una namang lumapit ang BRP Davao del Sur na sinundan ng FS Vendemiaire at USS Harpers Ferry.

Ilan sa mga ginampanang ehersisyo ng mga kalahok ay gaya ng Cross Deck Landing exercise na kinabibilangan ng BRP Ramon Alcaraz (PS16), BRP Davao del Sur (LD602), USS Harpers Ferry (LSD49), at isang Philippine Navy Helicopter (NH434).

Isa ito sa mga pangunahing bahagi ng Balikatan na naglalayong pahusayin ang interoperability ng mga kalahok na pwersang pandagat.

Ang MME ay bahagi ng ika-39 na pag-ulit ng Balikatan Exercise na sinimulan nitong Abril 25.