Photo courtesy | PIA Palawan

PUERTO PRINCESA CITY | SA darating na buwan ng Pebrero, sisimulan na ng PAG-IBIG Puerto Princesa ang kanilang kampanya na maging miyembro ng PAG-IBIG ang mga kasambahay.

Ayon kay Emely Platero, hepe ng PAG-IBIG Puerto Princesa nais ng kanilang ahensya na lahat ng kumikita o nagtatrabaho ay maging miyembro ni PAG-IBIG kaya naman ang mga kasambahay na kinakategorya nilang nasa informal sector ang tututukan nila ngayong taon.

“Ngayong taon na ito ang concentration po natin ay mapa-miyembro po natin lahat ng mga kasambahay natin kasi aminin po natin maraming kasambahay ang hindi miyembro kay Pag-ibig fund.

Syempre gusto po natin sa konting halaga na maipon nila pagdating ng araw sabihin na natin ang maturity period natin 15 years o 20 years– so after 15 years pwede nila mai-withdraw ang naihulog nila even pag edad nila ng 60 years old may makukuha sila kay Pag-ibig fund. So yun po ang purpose natin ung bakit gusto natin mapamiyembro ang lahat ng kasamabahy natin sa palawan,” ani Platero.

Kaugnay nito, maglalagay sila ng mga service desk sa mga mall sa lungsod para sa mga kasambahay na nais maging miyembro ng PAG-IBIG.

“By February magkakaroon na po tayo ng campaign. Actually ang gagawin natin maglalagay tayo ng service desk sa mall like Robinson at SM para lahat ng mga kasambahay na gusto magregister ay tutulungan po natin,” dagdag pa ng opisyal.

Aniya, karugtong lamang ito ng kanilang kampanya noong nakaraang taon kung saan ang mga nasa transportation sector naman tulad ng mga delivery rider ang kanilang tinutukan na maging miyembro.

Nanawagan naman ito sa mga miyembro ng PAG-IBIG na sana ay ituluy tuloy ang paghulog ng kanilang kontribusyon dahil mayroon itong mga kaakibat na benepisyo.