Patuloy na bumubuo ng mga plano ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang masigurong maiiwasan ang pagkalat ng malaria sa mga komunidad sa lalawigan ng Palawan.
Ayon sa panayam ng
Repetek News
kay Provincial Health Officer Dra. Erika Faye Labrador, nakapagtala ang Palawan ng 8,954 na kabuuang kaso ng malaria para sa taong 2024 batay sa kanilang pinakahuling tala nitong ika-10 ng Enero, taong kasalukuyan.Natukoy naman ang nangungunang limang munisipyo sa lalawigan na may pinakamataas na kaso ng malaria na kinabibilangan ng mga sumusununod: Rizal, Brooke’s Point, Bataraza, Quezon, at Sofronio Española.
Umabot naman sa 1,357 o 15.15 porsiyento ang mga batang edad lima pababa ang tinamaan ng malaria, at nasa 2,942 o 32.86 porsiyento ang nagkaroon ng malaria edad 19-taong gulang pataas.
Ang mga bata at kabataan na may edad lima hanggang 18-taong gulang ang naitalang may pinakamaraming bilang ng nakaranas ng malaria na may 4,655 o 51.99 porsiyento.
Iba’t ibang plano ang patuloy na isinasagawa ng Provincial Health Office ng Pamahalaang Panlalawigan, Department of Health (DOH), Global Fund (GF), at Philippine Shell Foundation, Inc. (PSFI) para sa mga lugar na may mataas, mababa, at walang kaso ng malaria.
Patuloy naman ang kanilang pamamahagi ng bed nets/ LLIN, Indoor Residual Spraying (IRS), aktibong paghahanap ng mga kaso, at maagang paggamot.