Ni Clea Faye G. Cahayag
NAGTAGISAN ng galing ang mga estudyante mula sa iba’t ibang paaralan sa rehiyon ng MIMAROPA sa katatapos lamang na Regional Schools Press Conference (RSPC) 2023 na isinagawa sa Tagaytay City, Cavite, nitong ika-11 hanggang ika-12 ng Hunyo.
Naging mainit ang kompetisyon ng bawat Schools Division Office (SDO) sa rehiyon ng mga batang journalists at broadcasters mula elementarya at sekondarya sa magkakaibang kategorya kung saan nagpamalas ang mga ito ng kanilang talento sa campus journalism.
Ayon sa City Information Office, hindi nagpahuli ang mga mag-aaral mula sa lungsod dahil nasungkit ng mga ito ang kampeonato dahilan para makapasok sa National Schools Press Conference (NSPC), kabilang sa mga qualifiers sina Margaux Silverio ng Puerto Princesa Pilot Elementary School (PPPES) para sa Copy reading and Headline Writing; Josh Tero ng Mangingisda Elementary School para sa Photojournalism; Jean Garcia ng Palawan National School (PNS) para sa News Writing; at Audley Aban ng Puerto Princesa City Science National High School (PPCSNHS) para sa Science and Technology Writing.
Maliban dito, itinanghal din na kampeon ang PPPES para sa Radio Scripting and Broadcasting – English Elementary, at dagdag pa rito ang mga Special Awards – Best News Anchor, Best News Reporter, Best in Infomercial, Best in Script, at Best in Technical Application; Collaborative Writing (English) 1st runner-up at Radio Scripting and Broadcasting (Filipino) 2nd runner-up.
Second Runner- Up naman ang PNS sa Radio Scripting and Broadcasting (English).
Samantala, gaganapin sa Cagayan de Oro ang National Schools Press Conference sa darating na buwan ng Hulyo.