Photo courtesy | DAR Palawan

Namahagi ng Certificate of Condonation at mga titulo ng lupa ang Department of Agrarian Reform (DAR) Palawan para sa mga piling benepisyaryo o Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) ng lalawigan at lungsod na isinagawa sa Provincial Capitol Convention Center nitong Disyembre 4, taong kasalukuyan.

Aabot sa 1,187 na piling benepisyaryo ang napagkalooban ng nasabing sertipikasyon at titulo. Ang mga benepisyaryo ay mula sa lungsod ng Puerto Princesa, munisipyo ng Aborlan, Bataraza, Brooke’s Point, Sofronio Española, Quezon, at Roxas kung saan dinaluhan ito nina Senator Imee Marcos, Asec. Rolando Cua (DARAB), Regional Director Atty. Marvin V. Bernal (DAR MIMAROPA).

“Sinabi ko tanggalin muna hindi lamang ang penalty kundi ‘yung interes ng mga lupa,” ani Senadora Marcos.

“Higit sa lahat ibibigay natin ang Certificate of Condonation and Release of Mortgage (CoCRoM) na patunay na wala nang utang kahit isang kusing ang lahat ng magsasaka na tatanggap nito, lahat kayo zero balance na ang buong angkan, ang anak at ang apo wala nang pagpaguran pa. Inyung-inyo po ang lupang ibibigay natin, natagalan man ang lupang hinarang ay sa wakas tutuparin na natin ang kantang Pambansang ‘Lupang Hinirang’ kaya’t sa inyong lahat maraming salamat,” dagdag ng senadora.

Ayon sa DAR Palawan, ang nabanggit na kaganapan ay nagmamarka ng isang makabuluhang hakbang sa pagbibigay kapangyarihan sa mga magsasaka ng Palawan at pagtiyak ng isang mas maliwanag, walang utang na kinabukasan para sa mga ARB.

Ang inisyatiba na ito ay nakahanay sa Republic Act No. 11953 o ang New Agrarian Emancipation Act na nag-uutos na magbigay ng malaking tulong pinansyal, mag-udyok sa mga magsasaka, at mag-ambag sa pambansang seguridad sa pagkain.

Author