LUNGSOD NG PUERTO PRINCESA — Ipinamahagi na ng lokal na pamahalaan ng Taytay, Palawan, ang mga makinaryang pang-agrikultura sa mga aktibong samahan ng mga magsasaka sa nabanggit na bayan.
Ilan sa mga agricultural machineries na ipinamahagi ay kinabibilangan ng four-wheeled tractor, rice combine harvester, at transplanter na pinondohan ng pamahalaang nasyunal sa pamamagitan ng Kagawaran ng Agrikultura o Department of Agriculture (DA).
Nabenepisyuhan ang mga kooperatibang kinabibilangan ng Binuan Farmers Association, Sandoval Farmers Association, at Comalibongbong Farmers Association.
Ayon sa lokal na pamahalaan, ang pangunahing adhikain ng kanilang bayan ay palakasin ang sektor ng agrikultura upang makamit ang maayos at matatag na seguridad sa suplay ng pagkain.
“Ang pangunahing adhikain ng lokal na pamahalaan ay ang pagpapalakas ng sektor ng agrikultura. Bilang bahagi ng masigasig na pagsusumikap na makamit ang food security, patuloy tayong nakikipagtulungan sa [iba’t ibang] ahensya ng gobyerno upang maibigay ang lahat na pangangailangan at suporta ng mga magsasaka sa ating bayan,” pahayag ng munisipyo.
Binigyang-diin ng lokal na pamahalaan na ang pamamahagi ng mga makinaryang nabanggit ay inaasahang magiging daan upang mapabilis ang proseso sa pagsasaka, mapataas ang produksiyon ng pagkain, at mataas na kita para sa mga magsasaka.