PUERTO PRINCESA CITY — NAGPAABOT ng tulong pinansyal sa mga mangingisda sa bayan ng Aborlan, Palawan, ang opisina ni House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) sa pamamagitan ng Department of Social Welfare and Development o DSWD.
Ayon sa Palawan Third District Caretaker Office, nabenepisyuhan nito ang nasa 589 mangingisda mula sa anim (6) na iba’t ibang asosasyon sa barangay Apurawan at Culandanum.
Ang mga ito ay nakatanggap ng tag-limanlibong pisong (P5,000) tulong pinansyal na inaasahang makatutulong sa pang araw-araw na gastusin ng mga mangingisda lalo pa’t hindi nakapangisda ang mga ito sa loob ng ilang araw dahil sa sunud-sunod na gale warning.
Ang mga kwalipikadong benepisyaryo ay mula sa Culandanum Fisherman’s Association, Landing Fisherfolk Association, Patis Processors and Fisherman’s Association, Sto. Nino Apurawan, Marginal Fisherfolk Association, Sitio Bubusawin Fisherman Association, at Apurawan Proper Fisherfolk Association.
Matatandaan, una nang napagkalooban ng ayuda ang mahigit 180 mangingisda sa Isla Sombrero, Aborlan, nito lamang buwan ng Pebrero.
Si Speaker Romualdez, ang kasalukuyang caretaker ng opisina ng ikatlong distrito ng Palawan kung saan nasasakupan nito ang Puerto Princesa City at bayan ng Aborlan.