Photo courtesy | Repetek Team

Nagdala ng karangalan sa lungsod ng Puerto Princesa ang dalawang atleta matapos humakot ng mga medalya sa katatapos lamang na 5th Asian Open Schools Invitational Long Course Swimming Championships na isinagawa sa Assumption University sa Bangkok, Thailand nito lamang Pebrero 6 hanggang ika-9 ng buwan, taong kasalukuyan.

Nag-uwi ng anim (6) na gintong medalya, isang (1) silver, at isang (1) bronze ang pitong taong gulang na swimmer na si Alonzo Lukas Dela Rosa.

Narito ang mga kategorya na nilaro ni Dela Rosa:

Gold- 50 meter Butterfly
Gold- 50 meter Backstroke
Gold- 50 meter Breaststroke
Gold- 50 meter Freestyle
Gold- 50 meter Freestyle preliminary
Gold -100 meter Freestyle
Silver- 50 meter Freestyle Kickboard
Bronze- 50 meter Butterfly Kickboard

Pinarangalan din bilang “Most Outstanding Swimmer in Men’s Seven Year Old Category” si Alonzo. Aniya, pangarap niya ang maging isang World Champion sa larangan ng swimming at maging bahagi ng national team.

Sa maiksing mensahe ng batang atleta, “focus at train hard” ang kanyang naging susi para makapag-uwi ng mga medalya.

Nanalo naman ng iba’t ibang places sa magkakaibang kategorya ang kaniyang 13-taong gulang na pinsan na si Ethan Drake Del Moro Jaurigue.

Narito naman ang mga kategorya na napanalunan ni Jaurigue:

2nd place- 200 meter Individual Medley
5th place- 50 meter Breaststroke
6th place- 50 meter Freestyle
6th place- 100 meter Breaststroke
8th place- 100 meter Freestyle
5th place-200 meter Breaststroke
8th place- 200 meter Freestyle

Sa mensahe ni Ethan, dapat mayroong disiplina sa sarili ang mga manlalaro.

Samantala, miyembro ng Begin to Swim Program ni Coach Tinii Cayetano na bahagi ng Swim League Philippines Warriors Delegation ang magpinsang sina Dela Rosa at Jaurigue.

Kaugnay nito, nagpasa ng dalawang magkahiwalay na resolusyon ang Sangguniang Panlungsod nitong araw ng Lunes, Pebrero 16, bilang pagkilala sa dalawang nabanggit na Palaweñong manlalaro sa kanilang ipinamalas na galing at husay sa swimming dahilan para makapag-uwi ng karangalan hindi lang sa bansang Pilipinas kundi maging sa Lungsod ng Puerto Princesa.

Nangako naman sina City Councilors Elgin Damasco, Luis Marcaida lll, at Jonjie Rodriguez na magpapaabot ng tulong pinansyal tuwing may sasalihang kompetisyon ang magpinsang Dela Rosa at Jaurigue.