Nitong nagdaang taong 2024, nanguna sa listahan ng City Traffic Management Office (CTMO) ang mga motorsiklo sa may pinakamaraming nilabag na batas trapiko sa lungsod ng Puerto Princesa.
Sa ibinahaging datos ni Traffic Operations Officer Allan Mabella ng CTMO sa lokal na midya, umabot sa 7,046 bilang ng mga driver ng motorsiklo ang naitala ng kanilang tanggapan na lumabag sa mga batas trapiko.
“Pagdating sa single motorcycle, ito ‘yung may pinakamaraming nakikitang violation kasama [r]iyan ang helmet, walang side mirror, walang plate number, kaya madaling makita kasi moving violation ito na masyadong lantaran sa kalsada kaya ‘yan ang madalas na nakikita ng ating mga enforcer,” pahayag ng opisyal.
Aniya, ang mahigit pitunlibong single motorcycle violators ay naitala simula Enero hanggang Nobyembre taong 2024.
Para mapababa ang bilang o maiwasan na ang paglabag ng mga motorista sa mga ordinansa, magsasagawa ng information campaign ang CTMO sa lahat ng organisasyon ng mga motorsiklo sa siyudad.
“Kasi marami [r]ito sa atin sa Puerto Princesa nakagrupo-grupo ‘yan especially ‘yung mga kabataan. Sa ngayon, hinahanap na namin ang mga organisasyon na ‘yan para unti-untiin naming pasukin ang grupo nila na sila na mismo ang mag-regulate sa mga members nila na tulungan tayo na paliitin ang mga nahuhuling nakamotorsiklo,” dagdag pa ni Mabella.
Samantala, patuloy naman ang paalala ng opisyal sa mga drayber na ugaliing sumunod sa batas trapiko para hindi maabala at mapatawan ng multa.