PUERTO PRINCESA — Pinakawalan ng mga kawani ng Palawan Council for Sustainable Development Staff (PCSDS) sa katubigang sakop ng Siete Pecados Marine Protected Area (MPA) sa Barangay Tagumpay, bayan ng Coron, ang mga nakumpiskang live fishes nitong araw ng Huwebes, Oktubre 10.
Ayon sa ulat ng ahensya, nasa limampu’t isang (51) oversized Suno, tatlong (3) undersized na Suno, at dalawang (2) Wild Panther ang pinakawalan sa nasabing marine protected area sa Calamianes Islands.
Ipinagbabawal ang paghuli ng mga oversized at undersized na Suno batay sa Wildlife Special Use Permit ng Reef-Fish-for-Food o RFF sa ilalim ng PCSD Administrative Order No. 5.
Dagdag dito, pinagtitibay ng Resolution 23-967 na ang mga ganitong uri ng isda ay nanganganib nang maubos. Kasama rin ang mga ito sa listahan ng mga Endangered Species.
Pakiusap ng PCSDS sa publiko na agad makipag-ugnayan sa kanilang tanggapan sa pamamagitan ng numerong 0931-964-2128 ng Wildlife Enforcement Unit (WEU) kung sakaling mayroong impormasyon tungkol sa mga taong lumalabag sa batas-pangkalikasan.