PUERTO PRINCESA CITY – SA isang press conference na isinagawa nitong araw ng Huwebes, Abril 25, sa Ka-Inato Restaurant, Brgy. Tiniguiban, Lungsod ng Puerto Princesa, tinalakay at ipinahayag ng Philippine Chamber of Commerce and Industry, Inc.(PCCII)ang ukol sa gaganaping 33rd South Luzon Area Business Conference(SOLABC).
Ayon sa PCCI, ang SOLABC ay gaganapin sa Seda Lio,El Nido, Palawan sa darating na Hulyo 18-19, 2024 na kung saan ay magho-host dito ang El nido Chamber of Commerce and Industry, Inc., PCCI Palawan, at PCCI Puerto Princesa.
Ito ay taunang kaganapan na inorganisa ng PCCI na naglalayong maging plataporma para sa mga talakayan sa paggawa ng mga patakaran, mga pagkakataon sa pamumuhunan, pag-unlad at mga nauusong paraan upang mai-angat ang ating ekonomiya hindi lang sa lalawigan kundi pati na rin sa buong bansa.
Ilan sa mga inaasahang magiging kalahok dito ay ang mga topleader sa negosyo, mga pangunahing pinuno ng gobyerno at pribadong sektor.
“We are here to promote business, to promote Entrepreneurship, to promote that we can make things better. We are facing so many challenges right now and we believe that attending and being a part of Chamber of Commerce and Industry specially attending SOLABC will really enhance their business,” ani G. Rix Rafols na kabilang sa PPPCCII.
Ayon kay G. Eric John Yayen, PPPCCII President, maaari umanong makiisa sa gaganaping 33rd SOLABC ang iba’t ibang indibidwal na gustong matuto sa pagnenegosyo, mga nagbabalak magtayo ng maliit o malaking negosyo, at pati narin ang mga nasa industriya na ng pagnenegosyo.
Nakiisa sa nasabing kaganapan ang ilang miyembro ng PPPCCII na kinabibilangan nina PPPCCII President, Eric John Yayen, PPPCCII past President Arjie Lim, Rix Rafols, RG. Jeff Armedilla, ilang lokal na mamamahayag, vloggers at iba pa.
Naroon din sina El Nido Chamber of Commerce and Industry, Inc. AVP. Sallie C. Lacson at Ms. Bellie G. Florendo.
Ang Philippine Chamber of Commerce and Industry, Inc.(PCCII), ay isang non-government association ng mga pribadong negosyo upang maimpluwensyahan ang mga ginagawang aksyon ng gobyerno sa mga isyu gaya ng Agrikultura, Impormasyon, Teknolohiya, Human Resources at Turismo.